Friday, September 2, 2016

Para kay Bb. J

Naalala ko pa noong una kitang nakita sa loob ng isang simbahan. Ikaw ay may kasamang maliit na bata. Ang batang iyong kasama ay kahawig mo. Napaka-ingat na ito ay inaalagaan. Mabuti na lamang ito ay iyong kapatid. Nang mga panahon na iyon ay nabuhay ang natutulog kong puso. Hindi ko alam ang gagawin ko noon. Lalapitan ba kita at magsasabi ng kamusta ka? Katulad ng mga nangyayari kapag ako ay may nakikitang magandang babae, umiiwas na lang ako. Lagi akong napangungunahan ng hiya. Lagi akong nilalamon ng aking pagiging torpe. Alam mo Bb. J, masayang - masaya ako kapag nakikita kita. Lagi nga akong excited kapag may gawain na ikaw ay kasama. Ang masilayan ka lang ay kotang-kota na ako. Kapag lumalapit ka na, bumibilis ang takbo ng puso ko. Grabe! Ang daming naglalaro sa isip ko. Ano bang una kong sasabihin, mangangamusta o dapat ba tungkol kay Lord lang ang itanong ko. Hindi ko talaga alam ang nasasabi ko kapag magkakausap tayo. Lagi kong iniisip kung tama ba ang aking nasabi at sinabi. Kung minsan bigla ko na lang masasabi sa sarili sayang naman. Iyon lang ang nasabi ko. Hanggang sa pagtulog ko ay natatatak sa isip ko ang mga kwentuhan natin kahit ito ay maigsi lamang. Kapag nga sa tuwing ako ay nalulungkot, inaalala ko na lamang ang mga sandali na tayo ay magkausap.Pero masaya na ako noon. Kung baga eh wala pa ang mensahe ng Panginoon eh blessed na. Laging ganyan lang naman ang eksena sa tuwing magkikita tayo. Tila ayaw ko ngang matapos ang araw sa tuwing ikaw ay makakasama sa isang gawain.
Lubos akong humanga sa iyo. Maraming magandang babae akong nakikilala pero hindi mo katulad. Hindi man kita ganoong kakilala at katagal na na kasama pero alam ko na ang buhay mo ay laan para sa Panginoon at ikaw ay tunay na tapat sa kaniya. Ang iyong kagandahan ay tunay na kagandahan. Hindi lamang ito sa panlabas na anyo, maging ang iyong kalooban ay totoong busilak. Ang iyong katapatan sa Panginoon ay siya rin na tunay kong hinangaan. Ikaw ay kakaiba sa lahat. Talagang sinsero ka sa kaniyang gawain. Ngunit nais kong tanggapin ang katotohan, na hindi magtatagpo angating damdamin. At isa paang isang katulad ko ay hindi babagay sa iyo. Ikaw ay dapat na mapunta sa isang maginoong lalaki na kayang maibigay ang iyong mga pangangailangan at makapagpapaligaya sa iyo. Maaaring mali ang aking kaisipan, o sadyang ganito lang talaga ako. Mahina ang loob, walang lakas na iusal ang aking nararamdaman, natatakot na masaktan o ayaw lang sigurong mabigo. Kaya nagdesisyon na lamang ako na ilihim sa iyo ang aking nararamdaman. Gumagawa na lamang ako ng tula tungkol sa iyo na ako lamang ang nakakaalam. Bawat text mo sa akin ay aking pinapahalagahan at talagang nakasave pa sa aking cellphone. Kahit na ito ay pagtatanong lang o gm. Masaya na ako doon kung alam mo lang. Ang magreply ka nga eh dobleng saya na. Ginagawa ko pa kung minsan ay nag-iisip ako ng ibat ibang jokes at ipapadala ko sa iyo para man lang mapansin mo. Pero wala pa din eh. Madalang lang talaga na ikaw ay magreply o siguro hindi lang ako talaga mahalaga para paglaanan mo ng iyong oras. Iniisip ko na lang na wala kang load. Hindi ako nagagalit kahit ganoon ang mga eksena. Wala naman akong karapatan at sino ba naman ako. Ako’y isang hamak lamang na palihim na humahanga at nagmamahal sa iyo. Pinili ko naman na magmahal mag-isa eh. Sabi ko nga kahit anong maging kapalit nito ay ayos lang. Hihintayin ko ang tamang panahon na ikaw ay idadalangin ko sa Panginoon. Kung mukha lang ilalaban ko eh wla ako noon. Kung pera lang din naman, wala akong marami pera. Kung pag-unawa at pagmamahal at katapatan, may laban naman ako diyan. Pero alam ko na hindi mo tinitingnan ang panlabas na kaanyuan. Ipapanalangin na lamang kita sa Diyos na sana ay magkaroon ka rin nang feelings na katulad sa akin.
Ipagpatawad mo rin kung sa facebook mo ay lagi kong tinitingnan ang iyong mga larawan. Minsan talagang laman ka ng wall ko. Madalas kang mag-post ng mga nangyayari sa ito tungkol sa kabutihan ng Diyos sa buhay mo. Kahit puro pictures mo ang lumabas sa wall ko wala akong reklamo. Hindi ko yata kayang magsawa sa iyong mga larawan. Minsan siguro mapansin mo na lang sa notification mo na may flood like at pangalan ko ang may dahilan. Nahiya ako bigla ng may nagkwento sa akin na estudyante. Ang sabi niya sa akin. “Sir nakakainis yung may gusto sa akin, puro flood like”. Naku po, nasabi ko na lang sa sarili ko. Baka ganoon din ang nararamdaman mo sa tuwing may floood like ako sa iyo. Ikaw naman kasi eh, pang-like at pang-share naman kasi talaga lahat ng mga post mo.
Hanggang isang araw, nakita ko ang isang post mo. May isang lalaki ka na kasama at ikaw ay masaya. Nilike ko iyon, kahit alam ko na iyon ay iyong lalaki na napupusuanaat handa mong paglaanan ng iyong pagmamahal. Unti-unti nagising ang aking sarili sa pantasya na gawa ko. Ang nasabi ko na lang ganoon siguro talaga ang buhay, ang bagal mo kasi, sabi ko sa sarili ko. Noong una, ayaw kong maniwala. Pero siniyasat ko at nalaman ko na mukhang siya na talaga ang iyong mamahalin. Kaya sa mga ngiti mo sa labi na nagpakita ng tunay na kasiyahan ay handa akong tanggapin ang katotohanan. Na ang love story na sariling sikap na ginawa ko ay walang magandang ending. Pinag-aralan ko kung paano ka kalimutan. Sa una hindi madali, kasi nasanay ako na sa bawat gabi na aking pagtulog ay nababanggit kita sa panalangin. Hanggang sa naging madalang na lang ito. Pero kahit na ganoon ay pinilit ko na lagi ka pa rin na kasama sa aking mga dasal. Siguro unti-unti kong ihuhubad sa puso ko ang pagmamahal na sinaplot ko para sa iyo.

Isang araw, nakita ko sa facebook na tila nagkakaroon kayo ng problema ng iyong kasintahan. Natuwa ako at nalungkot. Natuwa ako,sabi ko mukhang may pag-asa pa ako. Nalungkot ako kasi siguradong malulungkot ka sa pangyayari.  Gusto ko sana na ikaw ay itext at kamustahin pero hindi ko nagawa. Hindi ko alam kung naramdaman mo ang mga text messages ko sa iyo tungkol sa ganyang bagay. Hindi siguro, kasi wala ka namang mga reply sa mga iyon eh. Kaya ang ginawa ko nagtanongtanong ako at nalaman ko na mabuti na ang inyong relasyon. Salamat naman ang sabi ko. Nalungkot ako pero ayos lang, ang mahalaga ikaw ay masaya. Alam ko na pinanalangin mo siya. Sinulat ko lang ito para sa aking sarili. Kung mabasa mo man ito ay maaaring wala na ang nararamdaman ko sa iyo. Pero ikaw ay tunay na hinahangaan ko pa rin. Maaring sabihin ng iba na ang tanga mo kasi hindi mo sinabi pero wala akong pakialam sa kanila. Ang mahalaga naging masaya ako sa ginawa ko. Dalangin ko na lang ay ikaw ay maging masaya at tunay na maging maligaya at kayo nawa ang maging para sa isa’t isa.